.
Thursday, September 28, 2006
Wednesday, September 27, 2006
MGA BALITAKTAKAN DITO, NASA LIWAYWAY NA
Lumabas na ang article ko sa Liwayway. Tungkol ito sa mga balitaktakan dito noong mga nakaraang linggo. Huwag kayong mag-alala, wala akong kinampihan sa article ko na ito. lahat kayo ay bida :D
Apology kay Gerry. May typo error akong nakita, hindi ko alam kung ako ang dahilan o ang editor o ang nag-type ng mga text. Yung sentence na dapat ay '...makikita sa ilang piling comicshops...' ay naging 'makikita sa isang piling comicshops...'. Well, plural naman 'yung word na comicshops.
May mga pagbabago na sa laman ng Liwayway kesa noong huling nakabili ako nito. Mabuti na lang at may story si Edgardo Reyes (my idol!). May mga komiks pa rin sa loob, kung nami-miss niyo ang mga drawings nina Louie Celerio, Jun Lofamia, Abe Ocampo, Alfred Manuel, Nar Cantillo at Rico Rival, bumili na kayo.
At hindi niyo ito dapat palampasin, dahil ang tindi ng binitiwang salita ni Ryza Cenon, "Hindi lahat ng tao sa showbiz ay mapagkakatiwalaan."
SHOWBIZ!!!
Tuesday, September 26, 2006
DEADLINE
Pasensya na, mga kakomiks. Medyo hindi ko maasikaso pa ang part 3 ng article kong 'Understanding Filipino Komiks'. Tapos na ang buong article na ito, ang problema ko ay ang paghahanap ng supporting images sa mga luma kong komiks at ang pag-scan nito.
Bigla kasi akong nagulat nang biglang bumilis ang deadline ng 'Guardian Empires' at kailangan kong tapusin ito agad. Mawawala ako ng 2 weeks, may mahalagang okasyon akong pupuntahan sa Romblon, then diretso ako ng Iloilo. Ang dadalhin ko lang siguro ay pang-drawing. Hindi ko alam kung may makikita akong internet shop doon sa pupuntahan ko.
Pipilitin kong i-upload ang part 3 ng article ngayong linggo. Siyanga pala, hindi ko rin alam kung lumabas na ang article ko sa Liwayway, wala kasing malapit na newstand dito sa amin. Kung lumabas na, pakibalita na lang sa akin.
Saturday, September 23, 2006
UNANG SILIP
Mabibili lang sa Komikon 2006. Dahil baka i-ban na pagkatapos.
Back cover teaser:
Kuwento ito ni Nonoy, hindi nakapag-aral pero laging nagtatanong.
Hindi nagsisimba pero laging kausap ang Diyos.
Walang syota pero sobra ang libog.
Iba si Nonoy sa paningin ng mga taga-baryo, iba rin para sa mga taga-Maynila.
Bobo pero maraming matututunan sa kanyang kuwento.
Dadalhin kayo ni Randy Valiente sa mga karanasang hindi niyo pa nararanasan sa tanang buhay niyo. Rebolusyunaryo ang komiks nito sa tunay nitong esensya. Rebolusyunaryo dahil hindi ito katulad ng mga komiks na gusto nating basahin.
Friday, September 22, 2006
ON-LINE STORE
Balik muna ulit tayo sa business...hahaha!
After na may bumili sa ilang prints ng gawa ko sa 'Reflecting Reflections', nagka-interes akong magbukas ng on-line store na may ibang products na ganu'n din ang artworks.
www.cafepress.com/randesign
Wala pa akong idea kung kikita nga ako dito. Pero at least, naka-display lang ang products on-line at nag-aabang ka lang ng bibili. Hindi ko na kailangang maglako sa bangketa hahaha!
Meron pa akong available na prints ng ilang gawa ko sa 'Reflecting' book, kung sino ang interesado sa inyo ay puwede ko kayong pagbilhan. Bibigyan ko kayo ng discount, basta dito lang sa Pilipinas.
Noong una ay hindi pa ako kumbinsido na i-print ang gawa ko para ipagbili, lalo pa mga foreigners ang bibili, pero nu'ng makita ko ang result ng print, ibang klase. Maganda. Frame na lang ang kulang at puwede nang i-display sa inyong mga bahay o studio.
Ito ang mga classifications ng prints:
Artworks size: 11x17 inches
Matte/Glossy Paper
Metallic Paper
Canvass
Siyempre, presyong Pinoy lang para sa inyo. Email niyo na lang ako kapag interesado kayo.
randyvaliente@mail2artist.com
Thursday, September 21, 2006
UNDERSTANDING FILIPINO KOMIKS (Part 2)
TRANSISYON
Ang pagsasara ay napakahalaga upang makabuo ng transisyon sa komiks. Ang transisyon ay paglilipat ng eksena patungo sa isa pa.
Kumbaga sa nagtitipa ng gitara, naglilipat ka ng mga chords para makabuo ng isang tugtog. Magsisimula ka sa G, tapos dadalhin mo sa C, tapos A-minor, hanggang matapos mo ang isang kanta.
1. Transisyon ng Sandali (moment-to-moment) – maikli ang pagsasarang ginamit dito.
2. Transisyon ng Aksyon (action-to-action) – ito ay galaw sa eksenang nagmula sa una patungo sa pupuntahan nito.
3. Transisyon ng Tema (subject-to-subject) – paglilipat ng tagpo ngunit kapareho lang ang ideya o kaisipan.
4. Transisyon ng Eksena (scene-to-scene) – paglalakbay ng eksena sa time and space.
5. Transisyon ng Aspeto (aspect-aspect) – tumatakbo ang panahon sa mga eksenang ito.
Kinukundisyon nito ang mata ng tumitingin sa iba’t ibang lugar, ideya at pakiramdam.
6. Non-sequitor – ipinapakita nito ang mga tagpo o eksenang walang lohikal na relasyon sa isa’t isa.
Ayon pa kay McCloud, ang mga mga transisyong ito ang pinaka-scientific na ginagamit ngayon sa komiks. Ang storytelling ay naglalaro lamang sa anim na kategoryang ito.
Sa susunod: Ano ang relasyon ng mga transisyong ito sa komiks ng Filipino? At paano natin masasabing unti-unti nang nawawala ang ‘pure Filipino komiks form’ dahil sa evolution ngayon ng komiks?
Wednesday, September 20, 2006
CELLPHONE (off topic)
Gusto ko lang i-share itong nakuha ko sa email dahil makakatulong ito ng malaki.
Para sa laging nananakawan ng cellphone (nanakawan na rin kasi ako). Puwede ninyong i-dial ang *#06# then lalabas ang unit serial ninyo.
Puwede ninyo itong ipa-deactivate sa inyong service provider kung sakaling magkaproblema para hindi magamit ng masasamang loob.
Tuesday, September 19, 2006
UNDERSTANDING FILIPINO KOMIKS (Part 1)
Patay na ang old komiks industry. Sa aking pagkakaalam, isa na lang siguro ako sa pinakabatang nakaabot pa sa lumang industry na ito. Ang mga batch ngayon ng komiks creators, at ‘yung mga susunod pa, ay hindi na muli pang mararanasan ang kabuuan ng komiks noon.
Ang artikulong ito ay hindi pagtuligsa sa mga gumagawa ng komiks ngayon, kundi isang lesson para sa mga susunod na batch ng komiks creators sa bansa. Nagbabago ang panahon. Dahil ito sa globalization, at sa communication at information na kaya na nating abutin sa isang pindot lang sa cellphone at computer.
Biktima rin ako ng pagbabagong ito. Kailangan kong mag-‘shift’ kung ano ang existing na industry ngayon, local man o international. Dito ako kumukuha ng ikinabubuhay. In short, praktikal akong tao.
Kung pamilyar kayo sa aklat ni Scott McCloud na ‘Understanding Comics’, mapapansin ninyo na doon ko kinuha ang pamagat ng article na ito. Gagamitin ko ang isa sa theory ni McCloud at sinubukan ko itong I-apply sa komiks ng Filipino. Naipagkasundo ko ang teorya ni McCloud sa form ng Filipino komiks.
Napakayaman ng industry ng komiks sa Pilipinas. Sa katunayan, bago ito bumagsak, isa tayo sa may pinakamasiglang industry sa buong mundo. Kaya tayong ilinya sa Manga ng Japan sa kasikatan ng ating komiks noon sa loob ng ating teritoryo.
Kung nadadalaw niyo rin ang Philippine Komiks Museum ni Gerry Alanguilan at Pilipino Komiks blog ni Dennis Villegas, makikita ninyo ang kaibahan ng komiks noong araw sa komiks na lumalabas ngayon. Unang-una nating mapapansin, syempre, ay ang drawing ng ating mga datihang dibuhista. Malayung-malayo na sa mga nagdu-drawing ngayon ng komiks.
Para sa akin, ang pagkakaiba na ito ng drawing noon at ngayon, ay external aspect lamang ng komiks ng Filipino. Pero meron nga bang internal? O ‘yung tanong na: Bukod ba sa drawing e may pagkakaiba pa ba ang komiks noon at ngayon?
Meron, ang sagot ko. Malaking-malaki. Mas malaki pa kesa sa mga drawing na madalas nating ipinagkukumpara sa mga ‘traditionalists’ at ‘modernists’.
Mahalaga sa akin ang lesson na ito, dahil kung hindi ko ito isusulat, tuluyan na itong kakainin ng panahon. Tuluyan na itong papatayin ng ‘komiks evolution’. At kung hindi makapal ang mukha ko, tingin ko ay wala nang ibang magsusulat nito maliban sa akin.
Hayaan ninyong balikan natin ang ‘purong anyo’ (pure form) ng komiks ng Filipino.
(Ginamit ko ang salitang ‘pure’ dahil kahit alam natin na impluwensya ng Western comics ang dahilan kung bakit nabuo ang komiks ng Pilipino—Kenkoy, Halakhak, etc., ang konsteksto ng ‘pure’ dito ay ang mga unang panahon ng komiks sa Pilipinas.)
ANG MGA ARAL NI McCLOUD
Mahigit isandaang taon na ang komiks (internationally). Ang mga bansang may komiks ay kakikitaan ng sarili nilang kultura. Ang komiks, katulad din ng ibang art, o media, ay reflection ng isang lahing kinalalagyan nito.
Ang bawat komiks na ito ng mga bansa ay may kani-kaniyang standard para sa sarili. Ang ‘Transisyon’ (transition) sa komiks ay nagsimula pa sa una. Bago pa man dumating si Scott McCloud (na tinatawag ngayong America’s leading comicbook theorist) ay nakikita na sa komiks ang ‘transisyong’ ito. Naipaliwanag lang niya ito ng malinaw, at nakakuha siya ng kredito para dito.
Bago tayo dumako sa ‘transisyon’, puntahan muna natin ang basic structure kung bakit ito tinawag na ‘transisyon’. Magsimula tayo sa isang mahalagang aspeto ng komiks, tinawag ni McCloud na ‘Closure’. Sa wikang Pilipino, tatawagin ko itong ‘Pagsasara’.
(Ang mga susunod na halimbawa at drawings ay galing sa aking aklat na ‘Malikhaing Komiks’ na gagamitin ko sa paksang ito. Ang mga drawings na ito ay inspired din ng Understanding Comics ni McCloud.)
PAGSASARA
Ang komiks ay may sariling mundo na ikinulong sa mga panels. O mas magandang
sabihin na ang komiks ay mayroong sariling reyalidad na hindi natin mapapangahasan bilang reader. Ang kaya lang nating gawin ay subaybayan ang mga pangyayari at kaganapan sa ‘outer’ portion ng komiks. Hindi na natin alam kung ano ang nangyayari sa ‘inner’.
Ang mga pangyayaring nasa loob ng panel ay iyon lamang mahalaga sa kasalukuyang sitwasyon. At iyon lang ang naa-absorb ng reader. Kung ano ang nasa loob ng panel, iyon ang karanasang ating nasusubaybayan. Ngunit paano ang mga karanasang wala sa panel?
Sa halimbawang ito, isang tipikal na pangyayari ang naganap. Tumunog ang telepono. Kaya sinagot ng lalake. Kung tutuusin ay walang problema. Ang mahalaga ay nalaman natin ang nangyari.
Ngunit alam ba ninyo na mayroon tayong hindi nalaman sa nangyari.
At ito ang malaking papel na ginagampanan ng pagsasara.
Alam kaya natin kung paano dinampot ng lalake ang telepono?
Ang pagsasara ay mga pangyayaring ‘behind-the-scenes’. Hindi na ito gaanong pinagtutuunan pang pagkaabalahan ng manunulat dahil hindi na rin ito nakakakatulong sa daloy ng kuwento. Sa madaling salita, ang paggawa ng komiks ay paghihimay ng mga sitwasyon at pangyayari na dapat lang ilagay sa loob ng panel.
Sa susunod, ipapakilala ko sa inyo ang mga transisyon na binigyang-linaw ni McCloud.
ARTICLES and INTERVIEWS
Nailagay ko na ang ilang articles sa isang section sa gilid ng blog na ito. Mapapansin ninyo na mayroon na ring section ng 'Interviews' (si Dell Barras pa lang ang kauna-unahan kong na-interview at balak ko itong dagdagan sa mga susunod na araw).
Tingnan-tingnan niyo lang din at marami pa akong updates na gagawin sa blog na ito.
Monday, September 18, 2006
Sunday, September 17, 2006
PAST ARTICLES
Para sa mga bagong dalaw lang sa blog na ito...
Gumawa ako ng isang section sa gilid na may pamagat na 'Articles'. Nakalagay dito ang mga artikulong lumabas sa blog na ito ng mga nakalipas na buwan (mahigit isang taon na rin pala itong blog ko). Puwede na ulit silang mabasa nang hindi na iisa-isahin pa ang mga previous posts.
Wala akong masyadong knowledge sa HTML kaya hindi ko pa masyadong naaayos ang mga ito. Pinag-aaralan ko pa ng paunti-unti ang mga codes. Marami pa akong ilalagay sa section na iyan kaya tingnan-tingnan niyo na lang.
Maligayang pagbabasa.
Friday, September 15, 2006
PAGBABALIK-TANAW SA BUSINESS NG KOMIKS
Laman na ngayon ng ilang blogs at websites ang diskusyon tungkol sa pagpa-publish ng komiks sa kasalukuyan. Nagulat na lang ako na pati sa Deviant Art ay may mga discussions na rin tungkol dito. Siguro nga ay ganoon ka-importante ang topic na ito kaya pinagtatalunan ng marami.
Sa aking pagkakaalam, sa blog na ito nagsimula (tama ba ako?) ang mainit na diskusyon tungkol sa business na ito ng pagpa-publish ng komiks. Kaya mas mabuti na akona rin ang tumapos (sana). Kung inyong matatandaan, sa una pa lang ay sinabi ko nang hindi ako komportable sa isyung ito. At nabanggit ko rin na hindi ito pagdidikta kundi option lang para sa gustong maging publishers ngayon. Susubukan kong himayin ang bawat detalye.
Wala pa akong experience na maging self-publisher. Hindi ko pa ito kayang subukan ngayon dahil iba ang business strategy ng komiks na gusto kong gawin. Mas malawak ito kesa sa lumalabas ngayon sa market. Ang nalalaman ko lang tungkol sa bagay na ito ay ang mga experiences ko sa local publications at kung paano nila ginagawa ang marketing, hindi lang ng komiks kundi ilan pang babasahin (tulad ng pocketbooks, newspapers, songhits, magazines, etc.).
Kulang-kulang sampung taon din akong hindi nakapagsulat ng article sa local publications. Pero dahil sa isyung ito, nakapagsulat ako ng di-oras sa Liwayway Magasin. Yes! Pinamagatan ko ang paksang itong na ‘Ang Kalagayan ng Komiks sa Pilipinas’, lalabas ito sa isyu ng Liwayway sa mga susunod na linggo.
Narito ang ilang samples ng isinulat ko doon:
‘Ang pinakamurang komiks sa kasalukuyan ay ang Elmer ni Gerry Alanguilan. Mabibili ito sa halagang P50 at makikita sa ilang piling comicshops sa Pilipinas at maging sa ilang tindahan sa ibang bansa. Ang pinakamahal na komiks naman ay ang Siglo: Passion, nagkakahalaga ng P800. Hardbound ito at mabibili lamang sa mga bookstores at puwede ring orderin sa internet. Ang ilan pa ay nagkakahalaga ng P85 hanggang P120 pesos na mabibili lang din sa bookstores, ang mga ito ay gawa ng Psicom, Mango Comics, at Neo Comics.
Sa kabuuan nito, ang komiks sa kasalukuyang panahon ay hindi na maituturing na ‘murang libangan’. Makailang beses mong iisipin kung dapat ka bang bumili ng komiks o dapat ay bumili ka na lang ng pinagsamang ulam at bigas.
Mahal na ang presyo ngayon para aliwin ang sarili.’
Wala akong pinatatamaan sa artikulong ito. Inilalarawan ko lang ang reality ng komiks sa ngayon.
May mga punto kaming pinagkakasunduan ng isang nagpo-post dito (na gumagamit ng kung anu-anong alyas na alam kong ngayon ay marami na ang naghihinala kung sino siya). Ngunit marami rin kaming punto na hindi pinagkakasunduan. Isa rito ang ‘delivery ng business proposal’ para sa mga mambabasa ng blog ng ito. Ikalawa, ay ang pagtira sa mga kasalukuyang self-publisher gaya ni Gerry.
Sisimulan kong himayin ang sitwasyon sa mga bagong publishers ngayon:
Iba ang kalagayan ngayon ng mga self-publishers. Sila ang mga taong may maliit na puhunan, kaunting tao ang katulong para sa ‘business’ na tinatawag (kung minsan pa nga ay wala). Isang halimbawa ay siGerry Alanguilan. Siya ang nagsusulat, nagdu-drawing, nagleletra, naghahanap ng printer, at nagdi-distribute. Ginagawa niya ito ng mag-isa. Hindi natin puwedeng sisihin si Gerry kung ang business strategy niya ay ‘yung komportableng gawin lang ng isang tao.
Ginagawa niya ito sa pagmamahal sa komiks. Gusto niyang gumawa ng komiks na gusto niya, ipabasa sa mga taong magkakainteres sa komiks niya. Kung ano ang laman ng kanyang komiks, wala na tayong pakialam du’n. Hayaang readers na ang maghusga.
Sa kabilang banda, ang may mas malawaka na resources para sa publishing business na ito ay ang Mango Comics at ang Psicom. Kaya nilang maglabas ng bulto-bultong komiks kung tutuusin, at I-distribute ng malawak.
Ngunit gaano nga ba kalawak ang distribution ng komiks nila? Na-penetrate nila ang National Bookstore, ang Filbars, ang Booksale, at marami pang books and magazine shops sa bansa.
Pero ang tanong, may regular na komiks ba silang lumalabas? Sabihin na nating kasing-regular na bawat buwan ay tuloy-tuloy ang labas ng kahit isang titulo? Sa Psicom, ang pagkakaalam ko ay ang reprints ng mga DC comics, pero hindi naman ito maituturing na gawa ng Pilipino although alam ko na kumikita dito ang Psicom kahit pa maraming back issues ngayon ng mga komiks na ito na mabibili na ngayon 3 for P100.
Malaking isyu sa kasalukuyang panahon ang ‘awareness’. Bawat isang simpleng Pilipino na makausap ko, iisa ang tanong: ‘May lumalabas pa ba na komiks ngayon?’ Ibig sabihin, hindi talaga sila aware kung may lumalabas pa ngang komiks ngayon. Kaya nga nagtataka sila kung paano akong nagtatrabaho sa komiks kung wala namang komiks na lumalabas ngayon. Sagot ko na lang, hindi ako dito gumagawa, kundi sa ibang bansa. Yes, nasusustentuhan ako ng paggawa ko ng mga indies sa abroad. Kung mag-stick ba ako sa pagdu-drawing dito, halimbawa ay mag-apply ako sa Psicom, mabibigyan ba nila ako ng regular na sahod buwan-buwan na makakabayad ng apartment na inuupahan ko?
Gumagawa si Lan Medina sa Psicom dahil may mga libreng oras siya para gawin ito. Pero saan siya kumukuha ng ipanggagastos sa bahay? Natural, sa sweldo niya sa pagdu-drawing sa abroad.
Balik tayo sa marketing. Nag-evolved na ang marketing plan ng ilang publications ngayon sa bansa. Madami na ngayong bookstores, magazine shops, pati mga 24-hours stores, botica, ay may mga naka-display na rin na reading materials.
Isa sa successful sa ganitong klase ng distribution ay ang Summit Publishing. Kaya nga makikita natin sa mga tindahang ito ang Cosmopolitan, FHM, Woman’s Companion, Pulp, etc. Malakas ang mga magazines na ito. Bakit? Sa halagang P120, ang makukuha mo ay halos 100 pages ng glossy paper na maganda ang print quality, malaki ang sukat ng papel (at hindi pocket size gaya ng komiks ngayon). May mga interesting articles at magagandang pictures sa loob, may mga contests at give-aways para sa mga readers. Sulit sa halagang P120 di ba? Sa isang Pilipinong sumusuweldo ng above minimum sa isang buwan.
Ngunit sa maniwala kayo at sa hindi, hindi sa sales umaasa ang mga magazines na ito. E saan? Sa mga ads at sponsors na nasa loob ng magasin. Subukan niyong himayin ang mga pages ng mga magasin na nabanggit ko, tingin ko halos kalahati dito ay puro ads at sponsors, kalahati lang ang mismong content ng magazine.
Hindi makaka-survive ang mga magasin na ito kung sa sales lang sila aasa. Magsasara sila kapag ganito.
Nabasa ko ang journal ni Tagailog tungkol sa pagsasara ng Culture Crash. Sinabi niya na ang malaking dahilan dito ay ang kawalan ng sponsors sa kanilang komiks. At ang masaklap dito at pinaka-importante, ang matagal na remittance ng kanilang mga distributors. Wala silang pang-roll sa mga susunod na issues ng kanilang komiks.
Culture Crash, nagsara? Akala ko ba e ito ang number one na komiks ngayon?
You see? Ito ang reality ng ‘so-called’ bookshops distribution ngayon. Huwag kang mag-expect na makakapaglabas ka ng monthly comics mo kung aasa ka lang sa sales.
Bakit ang Psicom, naglalabas ng regular na komics buwan-buwan? Ang kagandahan sa Psicom, prolific ang management nila. Nagta-try sila ng iba’t ibang reading materials. Hindi sila umaasa sa komiks. Ang malakas sa kanila ay ang mga horror stories nila (Tama ba ako, Reg?) Ito ang regular na lumalabas sa kanila. Naitanong niyo na ba kung meron nang issue #2 ang Fantasya?
Isa pang lumulutang na issues ngayon ay: Dapat ay maging globally competitive tayo. We have to evolve para kakumpetensyahin ang buong mundo. Sino ang gumagawa nito ngayon? May publication ba ng komiks dito sa atin na malaki ang distribution sa ibang bansa? Wala. Totoo, kayang sumabay ng ating mga writers at artists sa ibang lahi. In terms of arts. Talent ang puhunan.
Pero ano ang reality? Laborer lang tayo ng mga malalaking publication sa ibang bansa tulad ng Marvel at DC.
Kinukuha nila tayo dahil capable tayo. Nagkakatulungan tayo sa isa’t isa. Nabibili ang komiks nila, at nasusuwelduhan tayo. Paano kung dumating ang panahon na ‘old-school’ na ang style natin sa pagdu-drawing (gaya ng una, ikalawa at ikatlong batch ng Filipino Invasion) at hindi na tayo I-hire ng Marvel at DC? Saan tayo pupulutin?
Ngayon, mag-rewind tayo sa history ng publishing business sa Pilipinas.
Nakasentro sa business si Don Ramon Roces, pinag-aralan niya ang distribution at kung paano ima-market ang kanyang komiks. Pangalawa na lang sa kanya ang kuwento at drawing. Aanhin niya ang ganda ng kuwento at drawing ni Coching kung hindi naman naidi-distribute sa buong Pilipinas ang komiks niya? Kailangan niyang magpalawak. Sisikat ba si Coching kung lima o dalawampung tao lang ang nagbabasa ng gawa niya? Natural hindi. Sumikat si Coching dahil milyun-milyung Pilipino ang nagbabasa ng gawa niya. The fact na hindi naman nai-interview sa TV o radyo si Coching noon, o kaya ay palabas tungkol sa kanyang buhay. Nakilala si Coching dahil sa kanyang trabaho at hindi sa publicity at write-ups.
Tingnan natin ang laman ng komiks noon. Puno ng kuwento. Meron siguro 1-2 pages lang ng ads at sponsors. Minsan pa nga wala. Paano nabubuhay ang komiks noon? Simple ang sagot. Sa sales.
Mura ang komiks noon. Kaya ng pangkaraniwang Pilipino-kahit ng magsasaka at mangingisda. Lumalabas ito linggu-linggo, minsan pa nga ay 2 times a week. Hindi sumasablay sa deadline. Kapag sinabi ni Don Ramon na kailangan tuwin Lunes ay lalabas ang Pilipino Komiks at tuwing Martes naman ang Darna Komiks, siguradong lalabas ito ng ganoong araw. Hindi papaltos.
Kaya ang daming writers at artists noon na nabibigyan ng trabaho, kailangang punan ang bawat pages ng komiks na kailangan lumabas bawat linggo. Malaki ang distribution, malaki ang kita, maraming trabaho. Hindi lang writers at atists ang kumikita. Pati ang mga kargador at pahinante ng trak at jeep na nagdi-deliver ng komiks. Pati ang maliliit na sari-sari stores na nagtitinda ng komiks sa kasuluk-sulukang dulo ng Pilipinas ay kumikita.
Ito ang industriya. Malaki, malawak, abot ang bawat Pilipino.
E ganu’n pala, bakit namatay ang komiks sa Pilipinas?
Ito ang mahalagang topic na gusto kong ilatag sa susunod na pagkakataon. Kailangan dito ng malaking space kaya hindi ko muna ito isasama ngayon. Pipilitin ko itong I-detalye sa abot ng aking makakaya.
Balik tayo sa marketing:
Ito pa ang isang lumulutang na isyu: Laos na ang marketing strategy ni Don Ramon. Hindi na ito uubra ngayon. Mas radikal na ang readers ngayon. Lalo lang nabababoy ang komiks kapag dinala ulit natin sa bangketa!
Dito ako hindi naniniwala. Ang bangketa ay isang marketing venue. Hindi ito lugar ng putahan. Sa bangketa, nabibigyan mo ng trabaho ang nagtitinda dito. At nadagdagan ang venue para makita ang komiks mo. Hindi ba masarap makita kung bawat kanto sa sulok ng Pilipinas ay naka-display ang komiks mo? Komiks by Randy Valiente. Pagdating mo sa Cebu o sa Davao, nakikita mo pa rin sa kung saan-saan, komiks by Randy Valiente. Pagsakay mo ng barko o bus, makikita mong naglalako yung mama, komiks by Randy Valiente. Tapos linggu-linggo ay may lalabas ulit na komiks ni Randy Valiente #2 at komiks ni Randy Valiente #3, at kung ilan pa. Sa loob lang ng isang taon, maniwala ka, marami nang magsusulputan na komiks ni Kulafo #356, komiks ni Kurimaw # 298, at kung sinu-sino pa.
Sa bangketa nagsimula ang Precious Hearts. Pinag-aralan ni Jun Matias ang market ng pocketbook, alam niyang malakas ito kaya kailangan niyang I-distribute ng malawak. Naglabas ng pocketbooks si Jun Matias hindi para magsulat siya sa sarili niya tapos ay ipabasa niya sa ibang tao. Naglabas siya ng pocketbook dahil business ang unang niyang puntirya.
At paano niya ito gagawin? Simple. Kailangan niyang mag-produce ng maraming titles ng pocketbooks at lumalabas ng regular. Hindi niya ito kakayanin kung mag-isa lang siyang magsusulat. Kaya kailangan niyang mag-hire ng mga writers.
Naghagilap siya ng puhunan, nangutang pa nga yata, para lang mag-roll ang pocketbook niya. Kailangang hindi siya sumablay sa pagbayad sa writers, at sa mga distributor. Kapag sinabi niya na kailangan sa susunod na buwan ay 6 titles ang ilabas natin, dapat panindigan natin. Kung hindi, baka maasar lang ang ahente.
And lastly, ito ang pinaka-pinaka-pinaka-matunog na diskusyon ngayon. Ang salitang…
MASA
Na kapag nabanggit ang salitang ito ay para nang nandidiri ang lahat. Para bang sakit na pinangingilagan.
Matanong ko nga kayo…hindi ba kayo kabilang sa masa? Hindi? E saan kayo kabilang?
Matagal nang question sa akin ito. Ano ang boundary o starting point para matawag kang masa o hindi? May sukatan ba para ma-distinguihed natin ito?
Sa tingin niyo, sino ang masa? Yung nanonood ng Eat Bulaga o yung nanonood ng Wowowee? Pareho silang masa? O sige, iba na lang. Sino ang hindi masa, yung nanonood ng Debate (sa channel 7) o yung nanonood ng Liwanagin Natin ni Ka Totoy Talastas (sa channel 23)? A pareho silang hindi masa?
O sige,iba na lang ulit. Sino ang masa, yung nanonood ng Lord of the Rings o yung nanonood ng Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros?
Alin ang masa, ‘yung nagtatrabaho sa call center na walong oras nagdadadakdak ng English at nagsusuot ng imported at mamahaling damit at pantalon, o yung gaya ko na isang manunulat na nakakuha na ng ilang awards sa literature pero nahihirapang magsalita ng English?
Nakakabaliw ang masa, hindi ba?
Kung ganu’n, paano natin ima-market ang komiks na masasakyan ng maraming Pilipino? Simple ang sagot. Tumingin tayo sa ibang media.
Nasa content ito, maniwala kayo. Nasa content.
Bakit mabili ang horror stories ng Psicom, ke Tagalog ito o English? Mahilig ba sa multo at kababalaghan ang masa? O ang mismong Pilipino per se? Bumenta ba ang Darna na inilabas ng Mango Comics? Masa ang karakter pero class A ang market? Conflict. Mas sumikat pa yung Darna ni Angel Locsin, pangit ang kuwento pero maraming nanonood (at maraming patalastas at sponsors). Bakit ba sumikat ang Da Vinci Code ni Dan Brown? Gusto ba natin na nag-iisip tungkol sa mysteries ng ating faith? O dahil nagsisimula nang mag-doubt ang tao tungkol sa existence ng God?
Sa TV ba, na nagsisimula ng alas kuwatro ng madaling araw hanggang ala-una ng madaling araw, ilan sa mga palabas na ito ang Tagalog at ang target ay ang nakararaming Pilipino? Ano bang mga channels ang naglalaban ngayon? 2 at 7? Anong mga palabas meron sila? Inis ba sa masa ang management ng channel 7 dahil meron siyang sariling helicopter at mansion?
Nasubukan niyo na bang mag-propose ng script sa pelikula tapos maririnig niyo sa producer na “Hindi kikita ang ganitong kuwento!”? Anong batayan niya para sabihing ‘Hindi kikita ang ganitong kuwento?’. Nagpi-playsafe ba siya dahil baka masayang lang ang kanyang puhunan? O talagang subok na niya ang market?
Naiisip ko kung bakit tinagalog ‘yung Sunday Box Office tuwing linggo sa channel 7? Inis na inis ako. Ang corny kasi. Pero bakit nila ginagawa? Hindi ba nila ako inaaliw? Masa naman ako a.
Siyanga pala, bakit kaya nag-reprint ng DC comics ang Psicom? 3 in 1, mababasa mo ang tatlong kuwento sa isang issue. Mura pa ang presyo. Ano ba ang target market nila dito, masa ba o ang class A market? Malaking points ba ang presyo para bumili tayo ng isang produkto?
Ito ang mga palaisipang dapat nating pagtutunan ng pansin ngayon kung desidido tayong maglabas ng komiks na kikita naman tayo ng malaki. I mean, malaki. Business thinking baga (sabi ng mga taga-Batangas). Isa ito sa option ng mga gustong sumubok sa mas malawak na market ng pagpa-publish sa Pilipinas. At hindi ako nagdidikta dito.
Pero siyempre, nasa purpose ito ng maglalabas ng pera kung anong komiks ang gusto niyang gawin. Kung Xerox lang ang kaya niyang gawin, bahala siya. Alam kong may satisfaction siyang nakukuha dito.
Yes. Ang bottomline nito ay ang salitang ‘satisfaction’. Maglabas ka ng komiks, business o self-expression man ang habol mo, walang pumipigil sa ‘yo (yung isa kasing nagpo-post dito, galit na galit.).
So, paano natin aaliwin ang mas nakararaming Pilipino na hind magsa-suffer ang kredibilidad natin bilang creator/writer/artist at hindi nakasangkalan ang kahihiyan ng ating pangalan? Mag-meet tayo sa gitna. Kung ano ang gusto mo na tiyak na tatangkilikin ng marami, iyon ang pinakamagandang ilabas. At iyon ang pinakamatinding palaisipan sa atin. Kaya kailangan din nating pag-aralan hindi lang ang craft natin bilang writers o artists, o ang mga technicalities ng paggawa ng komiks. Kailangan din natin tingnan ang audience na siyang maghuhusga kung dapat pa silang bumili sa susunod o hindi na.
Pero siyempre, may ibang mukha rin ang success. Kung ano ang pinaniniwalaan mo na tingin mo ay magtatagumpay, iyun ang panindigan mo.
Wednesday, September 13, 2006
TULOY ANG USAPAN!
Sa mga gustong ipagpatuloy pang lalo ang diskusyon tungkol sa publishing business ng komiks sa Pilipinas, at makakapag-post kayo ng kahit anong 'alyas' ang gamitin niyo, puwede na ulit kayong magpahayag ng gusto niyo sa:
http://anakngusapangkomiks.blogspot.com/
Wala akong idea kung sino ang gumawa ng blog na ito. Kaya kung gusto niyong makipagbalitaktakan ulit (gamit ang kahit anong pangalan), lusob na kayo dito. Okay lang din kahit anong kababuyana ng i-post niyo dito, tutal e anonymous din naman ang gumawa ng blog, sige magbalahuraan na kayo lahat hehehe.
Naka-post din sa blog ni Reno Maniquis ang ganitong topic, kaya kung gusto niyo ring bumisita sa blog niya ay puwede rin kayong dumalaw. Pero katulad din ng blog na ito, hindi rin puwede ang anonymous comments.
(Ang dami kong fans ah. Ito rin, last year naman ito, gumawa din para lang kulitin ako:
http://www.apoakonirandyvaliente.blogspot.com/ , pero seryoso ang mga posts niya ha)
Tuesday, September 12, 2006
Sunday, September 10, 2006
Thursday, September 07, 2006
BETWEEN MAINSTREAM AND UNDERGROUND
Habang gumagawa ako ng komiks abroad, at habang nakikipakuwentuhan ako sa mga dating kasamahan sa local komiks, maraming realization akong natutuklasan sa sarili ko. Akala ko kasi ay kilalang-kilala ko na ang sarili ko, pero hindi pa pala. I mean, ‘yung career ko as a comicbook creator, ngayon ko lang medyo naiintindihan.
Noong nasa GASI pa ako, na-trained ako na maging traditional. ‘Andyan ang guidance ng aking mga teacher at kasamahan sa trabaho. Pero dumating sa point ng paggawa ko ng komiks na meron akong hinahanap. Then from traditional Filipino style (both writing and drawing), naghanap ako ng ibang panlasa para sa akin. After na ipakilala sa akin ni Sir Hal Santiago ang mga komiks greats tulad nina Coching at Redondo, Foster at Raymond, sinubukan ko namang I-absorb ang iba pang modern creators tulad nina Moebius, Serpierri, at iba pang European artists.
Eksakto namang nu’ng time na ‘yun, early 90s’ nagsisimula nang makilala sa komiks ang mga bagong approach sa komiks ng Pilipino. Nagsusulputan na ang mga trabaho nina Cerda, Albano, at iba pa. Ang shift na ito sa local komiks ang nagbigay sa akin ng maliit na vision. Then pagkalipas ng ilang taon, gusto ko pang magpatuloy na makakita ng ibang trabaho.
Hindi ko matandaan kung paano ako nagsimula sa underground. Ang naaalala ko, active ako noon sa underground punk scene. ‘Yung underground na talagang pailalim. ‘Yung hindi kilala ng society. Gumawa ako ng komiks tungkol sa gobyerno, sa religion, sa mayayaman, sa mga pulubi, basta lahat ng matatapang kong idea at konsepto na hindi ko magawa sa mainstream komiks.
Sa underground scene, ibang klase ang mga tao. Mahirap patawanin at paiyakin. Mahirap kumbinsihin at mapasunod. Sa madaling salita, hindi uubra ‘yung madalas nating mabasa at mapanood sa sine. Sa eksenang ito, nag-iipon ang mga radikal, ang mga baliw, ang mga siraulo at mga feeling api ng lipunan.
Then sumama ako sa isang exhibit ng mga social realist painters, ako lang ang may entry na komiks. Sa lahat ng naka-exhibit, sa akin ang pinakamatapang at pinakabaliw, dahil ‘yung akin ay may kasamang words (captions at dialogues). Yun ang time na napadaan doon si Elvert Banares na naglalabas pala ng xerox comics na itinitinda niya sa Comic Quest. Iba ang tinutumbok ni Elvert pagdating sa paggawa ng komiks. Nakatutok siya sa art mismo. Gusto niyang dalhin ang komiks ng Pilipino sa ibang level ng artistic creativity.
Sa akin naman ay baligtad. Mas leaning ako sa ‘destroying the art’. Ang philosophy ko noon, ‘fuck the hidden message of art!’. Mas gusto ko ang direct, kung magmumura ka, magmura ka na ng malutong. Kung gusto mong magpaiyak ng reader, paiyakin mo siya ng dugo, paihiin mo siya sa salawal. Winasak ko ang rules ng paneling, ang drawing, at ang storytelling.
Sa magkaiba naming pananaw noon, nagkasundo pa rin kami. Isinama niya ako sa Sining-Ekis, ang naglalabas noon ng Zenith Graphics.
Nang makagawa nga ako ng komiks sa mga indies sa US, at makabasa ng iba’t ibang gawa ng comics creators na gawa ng ibang lahi, na-realize ko na meron akong path na pinupuntahan na hindi ako aware. Napakaraming independent publishers sa US na mainstream ang tinatarget. Sa mga naging projects ko sa mga ito, tingin ko ay wala pa talagang nakaka-touch ng gusto ko. Story wise, ang iba ay magaganda, gaya ng Bronx Angel at The Malay Mysteries.
Na-realize ko na ‘yung path na gusto kong daanan ay ‘yung hindi masyadong pinaniniwalaan gaya nina Chris Ware, Art Speigelman, Robert Crumb, Winsor McCay. I mean, kelan lang naman nakilala sa mainstream ang mga taong ito. Ang mga ito ay visionaries ng komiks. Siguro kahit hindi mo suwelduhan ang mga ito ay gagawa at gagawa pa rin ng gusto nila.
Sa isang third world country tulad ng Pilipinas, uunahin mo munang pag-aralan ang takbo ng ekonomiya at kung paano ka mabubuhay. Sa isang tulad ko na ‘no job, no meal’, kailangan kong isaalang-alang ang maraming alalahanin. Tulad ng: ‘Kikita ba ako kung ipa-publish ko ang Diosa Hubadera na ang laman ay puro kalaswaan at blasphemy?’ o kaya, ‘Tatanggapin ka ba ng publishers kung gagawa ka ng komiks na mas malala pa sa painting ni Jackson Pollock?’ Ang sagot dito ay malinaw na HINDI. Kailangan nating sumabay sa agos ng buhay. Kailangan nating makipag-communicate sa tao sa pamamagitan ng trabaho o art na ginagawa natin. No man is an island.
Ngunit sa lahat ng mga questions na ito sa aking sarili, natutuwa ako sa sarili ko dahil puwede akong magpalipat-lipat sa magkaibang mundo. Puwede akong sumabay sa pinakabaduy, corny, jologs, jolina, chipipay, chuva chenes sa komiks. At kaya ko ring makipagtagisan sa mga pinaka-demonyo, kahindik-hindik, kasumpa-sumpa at kasuka-sukang creation.
Malaki ang respeto ko sa mga creators na nagmamahal sa mundong kanilang kinabibilangan. Mula kina Coching, Redondo, Ravelo, Caparas, Patron, at marami pa na naging bahagi na ng mainstream komiks ng Pilipinas. Hanggang sa panahon ngayon, kina Portacio, Yu, Medina, Alanguilan. Saludo ako sa inyo, mahirap ang responsibilidad para aliwin ang malaking bilang ng mga tao.
Sa mga independent publishers sa kasalukuyan, tulad ng PsiCom, NeoComics, Mango, Siklab, Alamat, etc., hindi rin biro ang maglabas ng pera para sa isang sugal na hindi mo alam kung mananalo ka. Ang pagpa-publish ng komiks sa Pilipinas sa kasalukuyan ay nangangailangan ng matinding pag-aaral.
Sa kabuuan nito, ang masasabi ko na ang mainstream komiks ang flagship ng komiks world. Sa mundong ito, ang daming mahuhusay na writers at artists. Ang daming kakumpitensya, at ang daming mapagkukunan ng inspirasyon. Mapapakain nito ang pamilya mo, at makukuha mo ang respeto ng karamihan ng tao.
Sa kabilang banda, ang underground ay lugar kung saan malaya mong magagawa ang gusto mo. Walang inhibitions, walang values na makikialam kundi ang sarili mo lang. Sa mundong ito, kaya mong basagin ang lahat. Kaya mong pag-eksperimentuhan ang sa tingin mo ay matatanggap ng mainstream balang araw. At higit sa lahat, dito ay hindi hahanapin kung ano ka o kung saan ka nanggaling, ang mahalaga dito ay kung ano ang kaya mong gawin.
*****************
Ang sumusunod na mga images ay ang ilang gawa ko noon sa underground scene. Ito ang ‘wild days’ ko ng paggawa ng komiks. Wala na ako nito sa GASI (late 80s-early 90s), nagtatrabaho ako bilang artist sa Mister Donut Head Office (Yes! Hahaha…ako yung gumagawa ng mga promo posters and leaflets nila nu’ng araw), kaya wala akong pakialam kung anong klaseng komiks ang gawin ko, meron akong suweldo.
Sinabi kong ‘wild days’ dahil talagang ‘wild’ (as in!) ang mga komiks na ito. At sa totoo lang, ngayon ko lang aaminin na ako ang gumawa sa ilan sa mga ito dahil karamihan ay ginamitan ko ng ‘alyas’. Kung pamilyar kayo noon sa underground scene, ako ‘yung madalas magtinda noon ng UG komiks sa mga gigs na galing sa Sampcore (grupo ito ng mga straight-edge punks na galing sa Sampaloc, Manila). Ito ‘yung time ng mga bandang The Wudz, Philippine Violators, The PutangInas, Destruction of Trust, etc.
Ito ang hitsura ko ng time na ‘yun:
Ito na siguro ang pinaka-radikal at pinaka-baliw kong komiks na nagawa. Ang title nito ay ‘Wento’. Tungkol ito sa isang uod na naging komunista. May halong political ideologies ang kuwentong ito (hindi Communist kundi Anarchism at abolition of state ang pinalabas ko dito).
Ito naman ang pagtuligsa ko sa mga pitu-pito films na sumikat noon. Pinamagatan ko itong ‘Nganga’ (o di ba hindi bastos?). Tungkol ito sa isang babae na biktima ng pagsabog ng Bulkang Pinatubo na na-discover ng isang manager sa showbiz at ginawang boldstar na kalaunan ay ginawang prosti.
Ito naman ang ‘Torture’. Pinagawa sa akin ito ng Amnesty International-Pilipinas para maging isang..well..propaganda, tungkol sa paglaganap noon ng political killings at paggamit ng torture sa mga kalaban ng gobyerno. Ipinamigay lang ang komiks na ito sa mga rallies at strikes.
Hindi ako aware noon na may mga Xerox comics din na itininda noon sa Comic Quest sa Megamall (hindi kasi ako nagpupunta ng mall noon). Kay Elvert Bañares ko lang ito nalaman. Well…hindi ko sila itinuturing na underground comics creators, kundi mga indie people lang na hindi gumagawa noon sa GASI at Atlas. Ito ang unang kuwento na ibinigay ko sa Sining Ekis ni Elvert. Medyo mabait ang kuwento ko dito, tungkol sa isang writer na nagkahirap-hirap at nagkautang-utang dahil sa pagsusulat sa komiks. Hahaha.
Bukod sa komiks, gumawa rin ako noon ng mga fanzines para sa UG scene. Ang dalawang ito ang pinakamabenta sa akin. Tininda ko ng ito P15 per copy noon. Sold out! Hahaha! Ang mga ito ay compilations ng philosophies at ideologies ng mga Atheists at Satanists, hinaluan ko ng visuals.
Wala na akong balak ipabasa pa ito sa mga readers ngayon. Baka bigla na lang akong damputin ng mga pulis.
Wild days! Hehehe.
Tuesday, September 05, 2006
REFLECTING REFLECTION
Ang laki ng possibilities na ibinibigay ng technology sa mga artist ngayon. Isa na diyan ang POD o ang print-on-demand. Nang mabalitaan ko ito ay naglaro kaagad sa isip ko kung anong klase ng libro ang puwede kong gawin para mai-submit sa kanila.
Sa POD, wala kang poproblemahin sa gastos sa imprenta. Ang poproblemahin mo lang ay ang mismong concept ng libro at ang laman. Walang deadline, nasa sarili mo kung kailan mo ito matatapos. Wala ka na ring problema sa marketing, although puwede ka namang tumulong.
Isang libro ng mga conceptual arts ang naisip ko. Hindi ito isang artbook na dapat mong tingnan ang color combinations, renderings, o ang kung ano pa mang technicalities tungkol sa art. Ang purpose ng librong ito ay ipakita ang mga konseptong matagal nang naglalaro sa utak ko. Mga concepts na pinaghalu-halo ko galing sa iba’t ibang culture, philosophies, at galing din sa iba’t ibang panahon. Meron ding galing sa music, politics, economics, religion. In short, meeting ng mga ideas at konsepto ng iba’t iba ang takbo ng utak.
Hindi ko pa alam kung lalagyan ko ba ito ng caption, or short essay, or poetry, or whatever words na magpapakilala ng bawat artworks. Masyado pang maaga para sa akin para isipin ito dahil 2 piraso pa lang ang nagagawa ko, ang target ko ay mga 60 pieces. At ginagawa ko lang ito pag medyo kondisyon ang utak at katawan ko.
Ang sample page na makikita sa itaas ay combination ng Zen, Cyberpunk and Fantasy. Ang idea na ito ay matagal ko nang inisip, ‘Is there spirituality in the age of technology?’
Sa mga artists, or kahit anong klase ng tao na gustong makagawa ng libro, subukan niyo ring pag-aralan ang PODs. Hindi lang ito magsisilbing portfolio niyo, mababasa at makikita din ng iba (ng buong mundo) ang gawa niyo.
Monday, September 04, 2006
AKO NAMAN!!!
Nakakapanibago, ‘no? Hehehe…biglang nawala ‘yung mga nagpo-post. Ngayon, ako naman ang babanat sa inyo.
Hindi ko alam kung talagang napaka-creative ng Pilipino o talaga lang mahilig mang-asar. Ito ang listahan ng mga ‘identities’ na nagpo-post dito. Hanggang ngayon e natatawa pa rin ako. O, kung sino man ang mga ito, pakitaas na lang ang kamay para sa attendance.
Jose Makabayan (ihi lang pahinga)
Kulog Maingay
Mrs. Pacquiao
Tae sa Plato
Gerry’s Tagalog Teacher
Wahoo G.
Bluepen d idiot (nang-aasar kay Bluepen)
Iskandar
Gilbert Moncupal (isa pa ito! Nang-aasar din kay Gilbert Monsanto)
Ako Brain Dead
Oldtimer
We Love Gerry
Kuya Cezar
Gerry Loves Pilipino Komiks
Tunay Na Pinoy
Anime Boy
Naruto
Dragon Slayer
Nikki
This Guy’s In Love With You Pare
Diosa Hubadera
Donya Victorina de de Espadanya
Bong the idiot
Naruto d idiot
Pokpok ng Pritil
Anime d Braindead idiot
Bluepen (nakabuka rin ang bibig para saluhin ang ihi)
Komiks Veteran
Sargo de Tarugo
Youngstud
Ako brain dead
Tagasubaybay
P. Guamil
Former Atlas Komiks Employee at Matandang Bading
Kidlat Romantiko
Bicol Express
Kidlat Tahimik (ginamit pa ang pangalan ng mahusay na film maker)
RP Government Official
I Breastfeed Bluepen Everyday and I’m a Cow
Manilagirl…este…boy pala (pang-aasar kay Manilaboy)
Gaya-gaya
Watdap
Manilaboygeorge
Silent Reader
Roderick Paulate Rodrigues (pang-aasar pa rin kay Bluepen)
Deviant Artist Kuno
Joklay of Sex Kaboom Dancer
Observer Dati
Uchiha Apprentice
Hunghang Anonymous
Praktikal na Tae
Ako Nagtatanong
The Real Bluepen na me tulo
Smallpen
The Negotiator
Bluepen Clan—nasa likod mo kami
Kamatayan
Tatay Ni Kamatayan
Satanas
Dr. Phil
Diyos Ama
Kukunin ka na ni Lord
8 Etits Dragon
Naruto Pinalulo ng 8 Etits Dragon
Boy BinastosMaching Dancer
Nagtatanong
Anonymous Wannabe
Pigsa sa Pwet Bomber
Pwet ko Sumambulat sa Pigsa
Nag-aalburuto ang Pigsa ko sa Pwet
Maka-business
Makakomiks
Nagsasalitang Pakwan ni Keanna
German Moreno (Kuya Germs?)
Ang Komiks Bow
Harimanok
Batang Tabloid
AA
Sound of One hand Clapping
Copyartlink
Former Komikero and Deviant Anime Artist Who Has Seen the Light
Ako na naman
Ako din
Scud Missile na Nakatutok sa Pwet ni Tunay na Pinoy
Al Buruto
Concerned Parent
Defending the Oldtimers
Arenola Shortimer
Balikbayan
H na may lambing sa dulo
May Kuwit sa Nguso
Espanol Espasol
Lapulapo nakaluhod kay Magellan
Super Inggo
Petrang kabayo niyari ni robby
Maskara sa Arenola
Burgis Queen
Tasyong Baliw
Tamang Daan
Blinker
Dissing the oldtimer
Ang dami. ‘no? Pero alam niyo feeling ko, walang pang sampu ang mga hinayupak na ito! Hahaha!
Saturday, September 02, 2006
Friday, September 01, 2006
ANNOUNCEMENT
Nakatanggap na ako ng maraming emails sa mga kakilala at kaibigan. Natutuwa sila at napag-uusapan dito ang mga topics tungkol sa komiks, nahihimay ang ideas ng bawat isa. Pero nalulungkot din ako dahil marami na ring tao ang nasaktan (hindi dahil sa paniniwala nila sa komiks) kundi dahil sa mga personalang pag-atake na wala nang kinalaman sa komiks mismo.
Gustuhin ko mang pagbigyan ang lahat na maging ‘free’ na mag-post ng kanilang mga ideas at saloobin dito tungkol sa komiks, ay hindi ko na puwede itong gawin ngayon. Lumalayo na tayo sa mismong isyu. At sa tingin ko, kahit anong ipost ko dito tungkol sa komiks at sa art, hindi mawawala ang personalan ng kung sinumang mga nagpo-post dito.
Kaya magmula ngayon, hindi lahat ay magkakaroon na ng ‘freedom’ na mag-post ng kanilang sasabihin dito. I’m sorry, guys, pero kailangan n’yo nang mag-register para magkaroon ng sariling account. Sasalain ko na rin ang lahat ng ipo-post dito bago pa ito lumabas sa comments section ng blog na ito.
Kung hindi ko ito gagawin ngayon, baka lumala pang lalo ang mangyayari.