Kung ako ang tatanuning, magkahiwalay ang business side at ang artistic side ko bilang komiks creator. Gusto ko lang linawin ang mga nakaraang posts ko dito para mas maintindihan ng mga bumibisita sa blog na ito.
Tungkol sa Graphic Novel:
Kaya ko naisip ang project na ito para sa Amado Hernandez Resource Center ay dahil alam kong kaya nilang mag-publish ng isang ‘makabuluhang’ libro. Kaya nilang sagutin ang lahat ng gastos nito mula printing hanggang distribution.
Sa klase ng mga librong ipina-publish nila, nagkaroon ako ng idea na, ‘Bakit kaya hindi gawing graphic novel ang mga kuwento noon ni Hernandez?’ O kaya mga nobela ni Ave Perez Jacob o Jun Cruz Reyes? Ibig kong sabihin dito, ang gumana sa akin ay ang aking artistic side. Wala ditong kinalaman kung bebenta ito o hindi. O kung basahin man ito ng 80 million Filipinos. Ang habol ko dito ay makagawa ng isang trabaho na mabi-break ang pagtingin ng maraming tao tungkol sa komiks. Remember ‘Maus’ ni Art Speigelman? Nanalo ng Pulitzer Prize. Ang graphic novel na ito ang nagdala ng komiks sa mataas na level ng pagtingin ng lipunan. Sa atin kasi ay wala pang ganito. Dito sa Pilipinas, ang komiks at komiks pa rin gaya ng dati. Pambalot ng tinapa, at pampunas ng puwet.
Ang idea ng graphic novel na binanggit ko sa nakaraang post ay sisirain ang pagtingin na ito ng mga Pilipino. Even mga literary writers. Or, baka magkainteres pa ang Palanca na isali sa contest nila ang category ng ‘komiks writing’. Lahat kasi ng category sa Palanca ay meron na—children’s book, screenplay, novel, one-act play, future stories—komiks scriptwriting lang talaga ang wala.
I mean, ang nakaraang kong post na ito ay walang kinalaman sa business side ng komiks. O ‘yung itinatanong ng marami sa mga nag-comments na ‘bebenta ba ito?’ Sino naman ang magbabasa n’yan?
Ngayon, pumunta tayo sa business side (ulit!)..
Tungkol sa Tabloid Philosophy:
Pasensya na at hindi ko na-expand ang sinabi kong ito sa nakaraang post, ang dami tuloy nagtalu-talo at nag-away-away na nauwi sa personalan na tirahan.
Hindi natin maiintindihan ang philosophy ng tabloid…hangga’t hindi tayo nagtrabaho sa tabloid. O kaya ay hindi tayo palabasa ng tabloids. Yellow journalism, sa mas malalim na salita ng mga journalists.
Si E.R. Martin ang nakita kong isa sa pinakamagaling sumulat ng short stories sa komiks noong early 70s. Hindi ako nagbibiro. Nabasa ko ang mga short stories niya, bumilib ako. Na-master niya ang paggawa ng maikling kuwento sa komiks kesa sa paggawa ng nobela. Para sa akin, para siyang lalakeng Lualhati Bautista (although magkaiba sila ng topics sa kanilang mga stories) sa pag-deliver ng mga dialogues at flow ng kuwento, pati ang paneling ng bawat eksena. Kung si Mars Ravelo ay sa ‘characters’, at si Carlo Caparas ay sa ‘nobela’, ilalaban ko si Mang E.R. sa ‘short stories’.
Sa katunayan, isa si Mang E.R. sa kumukuwestyon noon sa librong ‘History of Komiks of the Philippines and other Countries’ na pinagtulungang buuin ng Atlas at Gasi Editors. Dahil sa totoo lang naman, karamihan ng laman ng librong ito ay ‘yung mga sikat na creators ng Atlas at Gasi. Paano silang mga taga-Rex? At ‘yung iba pang hindi kasama sa kumpanya ng mga Roces? Kaya nga kung pag-aaralan nating mabuti ang laman ng librong ito na lumabas noong early 80s, maraming komiks creators ang wala dito. Of course, dahil nga ang gumawa nito ay mga editors ng time na ‘yun, natural lang na ang isama nila ay ang mga hawak nilang artist noon sa Atlas at Gasi.
Maagang nag-retiro si Mang E.R. sa komiks. Lumipat siya sa tabloid (hindi ko alam kung na-predict na niya noon na hihina talaga ang komiks at ang tabloid ang mamamayagpag sa market). Sa katunayan, isa si Mang E.R. sa naka-impluwensya sa contents ng mga kilalang tabloids ngayon. Weird ang kanyang ideas, pero realistic. Wild, pero kayang mag-organize at makakuha ng maraming readers.
Isa ako sa hinugot noon ni Mang E.R. kaya bigla akong nag-resign sa Kislap Publication. Sa tinagal-tagal niyang naging writer ng Tiktik, Barako, Toro, etc., naisipan niyang gumawa na ng sarili.
Itinayo niya ang dyaryong Brusko, isa ako sa mga junior staffs. ‘Yun ‘yung time na sinusunog sa kalsada ang mga malalaswang tabloids at niri-raid ang mga publishers nito.
Sumugal si Mang E.R. ng time na ‘yun kahit ‘mainit’ ang sitwasyon. Ang resulta, hindi namin kinaya. Hindi nai-distribute ng maayos ang dyaryo naming (hindi nga talaga nai-distribute dahil nakatago lang sa bodega). Kinalaunan, nagpasya si Mang E.R. na itigil muna naming ang dyaryo. Kung hindi nga naman kami makulong ay baka bigla na lang kaming interviewhin sa tv at ipakita ang mga mukha naming doon na may nakasulat na ‘gumagawa ako ng bastos na dyaryo!’.
Anyways, si Mang E.R ang naging mentor ko kaya ko naintindihan ang philosophy ng tabloid. Kung ang binabasa ko noon ay stories ni Ernest Hemingway, si Mang E.R., ang binabasa ay libro ng Guiness Book of World Records. Kung ang nobelang inaabangan ko noon ay ang ‘Laro sa Baga’ ni Edgardo Reyes, si Mang E.R. ay ‘Sex Facts’. Ibig kong sabihin, magkaiba talaga kami.
Pero nu’ng ipinakilala niya sa akin ang sistema kung paano magsulat ng tabloid, ang laki ng natutunan ko. Sa katunayan, hanggang ngayon ay ina-apply ko sa kahit anong trabaho ang natutunan ko sa kanya, mapa-art man o writing.
Ano ba ang laman ng tabloid philosophy na natutunan ko kay Mang E.R.?
Una, exaggerate but don’t distort. Ipakita mo ang isang fact or information sa isang interesting na presentation. Pero huwag kang magsisinungaling kung ano ang laman nito. Outer appeal. Parang pambalot ng chocolate. Maaring may kumikintab, o kaya umiilaw ang mga letters. Pero chocolate pa rin ang nasa loob, hindi cocoa.
Ikalawa, capture the interest of your audience/reader. Ano ba ang hinahanap ng mamimili? Kung ang chocolate na nakita mo ay may free na malaking lunchbox, bibilhin mo? Of course, dahil sa totoo, mas mahal pa ang lunchbox kesa sa chocolate. Alam n’yo ba kung bakit may Kid’s Meals sa Jolibee at McDo? Dahil ang target market nito ay mga bata. Ang laruan ang naka’front; dito sa bata, hindi ‘yung hamburger at softdrinks.
Ikatlo, attack the emotion (or libido). Saan maaring maka-relate ang audience mo? Tuwing umaga, nagtatalo kami ng pamangkin ko kung ano ang panonoorin namin. Ang gusto niya ay Blue’s Clues, ako naman ay ‘Liwanagin Natin ni Ka Totoy Talastas’. Kaya nga kung sino ang unang magising, sa kanya ang tv. Nagkakasundo lang kami tuwing hapon. Naruto o kaya Full Metal Alchemist. Nagtagpo kami sa gitna.
Ito ang dahilan kung bakit nai-post ko ang idea ng cover ng komiks na plano ko. ‘Komiks ng Masang Pilipino’, ‘Pera Ngayon Na!’.
Unang-una, mahirap na bansa ang Pilipinas. Maraming palaboy sa kalye, maraming nagugutom, maraming walang trabao. Sinong ayaw magkapera? Tatanggi ka pa ba sa offer na ito e ituturo ko na nga sa murang halaga? Bumili ka lang ng komiks ko sa halagang sampung piso.
Nag-exaggerate ako dito, pero hindi ako nag-distort. Bakit? Dahil hindi ko naman ituturo dito kung paano mag-multi level marketing, o kaya ay pyramiding. O kaya kung ano ang suwerteng numero sa lotto, jueteng at sabong.
E ano ang laman nu’ng ‘Pera Ngayon Na!?’
Success stories ito ng mga kilalang tao sa mundo, nasa komiks form. Paano nagsimula si Bill Gates sa pagbubuo ng Microsoft? Paano nga ba nagsimula ang Jolibbe sa Pilipinas? Bakit yung isang dating nagtutulak lang kariton sa kanto, ngayon ay isa ng operator ng isa sa malaking taxi company dito?
Sa madaling salita, eye opener ito sa mga Pilipino. Kung kaya nila, kaya ko rin. Walang imposible. Ang kailangan lang ay tiyaga, at tamang desisyon sa buhay.
Sa mga kuwentong ito, tatalakayin ko rin ang dahilankung bakit hindi umuunlad ang mga Pilipino—katamaran, palaasa sa magulang/sa ibang tao, waldas, pintasero, hindi responsible, at higit sa lahat, hindi nakakakuha ng proper education.
Sounds radical. Pero hindi. Hahaluan ko ito ng mga patawa (style Bob Ong o kaya Pugad Baboy—mga best sellers ngayon sa bookstores). May medyo Manga ang drawing, merong medyo Pinoy, at merong medyo American, at merong medyo alternative at underground. Na ang presentation ay kasing gaan ng tabloid. Walang halong pangangaral, walang doktrina, walang injection ng philosophies. Just plain reading material na madaling basahin pero kapupulutan ng aral ng marami.
At hindi lang ito ang laman ng komiks na iniisip ko. Meron ditong topic tungkol sa sex. Meron nga kayang tao—lalake o babae—na hindi dumaan sa ‘masturbation stage? Ano ba ang pinagkaiba ng ‘malaking boobs’ sa mata ng lalake o sa babae? Magkapareho ba sila ng tingin?
At hindi lang ito, meron din ditong mga interesting articles. Sa paningin ni Mars Ravelo, sinong artista ang pinakamagandang Darna? Totoo ba na mahilig magbasa ng komiks ang ilang member ng SexBomb? Magdu-drawing ka lang ng cartoons sa internet, babayaran ka na ng dollars?
At meron ding interview. Andrew E., sino sa tingin mo ang pinakamasarap mong nahalikan sa mga leading ladies mo? Si Jenelyn Mercado, mahilig sa anime?
May audience participation din. Puwede kang mag-text para bumati sa mga crush mo, o mahal mo sa buhay. Puwede kang magpadala ng picture mo, tapos gagawing caricature ng isa sa mga artist. O kaya ay gagamitin bilang extra ang mukha mo sa mga stories na mababasa sa mga susunod na labas.
All in all, ang ganitong mga idea ay galing sa tabloid. Interesting, exaggerated, pero totoo. May basehan.
(O, ayan, ni-reveal ko na ang ilang laman ng komiks na balak ko…kopyahin n’yo na!)
Kaya ‘yung mga nagtatanong sa akin, dahil daw ba mabenta ang pocketbook, kung gagawin itong komiks, bebenta kaya. Tingin ko, oo at hindi. Ginawa na ito ng Atlas. Naglabas na sila ng graphic novels noon mula sa kuwento nina Alteha Areta, Glady Gimena—mga pocketbook writers. Pero hindi bumenta. Ano ang kulang? Presentation. It’s not the story, hindi rin ang art. ‘Yung ‘whole packaging’ ng mismong product. ‘Yun ang kulang kung bakit hindi nagtagumpay ang Atlas sa project na ito.
Meron pa ditong nag-suggest, gumawa daw ng graphic novel na Manga, maganda ang papel at maganda ang pagkaka-color sa computer, bebenta raw ito. Isa lang ang masasabi ko…goodluck!
Pero on the other side of the coin…bakit malakas ang Witch (yung girlie-girlie na komiks ngayon) kahit mahal ang presyo? Alam ko ang sekreto. Secret hehehehe. Ito ang assignment n’yo…para may debate ulit dito.