Nagkita kami sa kapehan ng isang kaibigang hindi naman fan ng komiks pero laging bumibisita dito sa blog ko. Ito agad ang hirit niya sa akin:
“Akala ko ba Pinoy ka, e bakit gumagawa ka ng manga?”
Tumawa ako. “Ayaw ko pa ba naman nu’n? Binabayaran ako sa isang mas simpleng trabaho.”
Hindi naman sa pagmamayabang, at alam kong marami rin sa inyo ang sasang-ayon sa akin, mas madaling gawin ang cartoony/stylized na drawing tulad ng ‘manga’ kumpara sa realistic. Parang ganito, padrawingin mo si Nestor Redondo na parang Larry Alcala, tiyak na makukuha agad. Pero padrawingin mo si Larry Alcala na parang Nestor Redondo, baka isang taon na ay hindi pa niya ito makuha.
Hindi naman sa minamaliit ko ang mga cartoonists. Ang point ko lang, kung technicalities ng drawing ang pag-uusapan, mas madaling mag-shift ng cartoony ang isang realistic-oriented artist kesa sa cartoonist na gagawa ng realistic drawing.
Puwede akong mag-drawing ng manga, totoo ‘yun. Pero hindi ibig sabihin nu’n e manga artist ako (well, technically speaking, manga means comics din naman). Parang sa music, puwede akong makinig sa bandang Sex Pistol, pero hindi ibig sabihin e punk ako. Puwede rin akong makinig ng April Boy Regino, pero hindi ibig sabihin e jologs ako.
Noon pa man, marami nang dibuhistang Pilipino ang nagsi-shift sa realistic papuntang cartoony pati nga experimental style, isa dito si Alfredo Alcala na nakapag-drawing din ng cartoons noon sa DC. Si Alex Niño ay nag-drawing ng manga few years ago. Dahil sa ganitong katwiran ko, matatawag kong isa akong dibuhistang Pilipino.
Ano ba ang katangian ng isang dibuhistang Pilipino na gumagawa sa komiks?
Brushwork ba? Renderings? Paggamit ng shades and shadows? Realistic drawing? Magaling sa human anatomy?
Oo, kasama ang lahat ng ito. Pero hindi ito ang tunay na esensya ng isang komiks artist sa Pilipinas.
Alam niyo kung ano? Ito:
FLEXIBILITY.
Bakit nagkaroon ng Filipino Invasion sa US? Kasi kaya nating mag-adopt sa form ng komiks ng Amerika? Bakit nang matapos ang Invasion na ito ay nakagawa sa animation, character designing, storyboarding, book illustrations, painting, advertising, etc. ang karamihan ng mga artists natin tulad nina Nestor Redondon, Alfredo Alcala, Alex Niño, Tony de Zuñiga, Flory Derry, Dell Barras, at napakarami pang iba?
Kasi flexible sila.
Bakit nang magsara ang Atlas at GASI dito ay nagtakbuhan din sa animation, advertising, game designing, children’s book, textbooks illustrations ang karamihan ng mga artists natin?
Kasi flexible din sila.
Ito ang tunay na essence natin bilang Filipino komiks illustrators. Kaya nating mag-adopt at kaya nating mag-evolve.
Galing ito sa ating kultura simula pa noong panahon ng Kastila, Amerkano at Hapon. Anyways, mahabang topic na ito at hindi naman ito ang gusto kong I-discuss.
Ang point lang na gusto kong ilabas, ang FLEXIBILITY ang pinakamahalagang sangkap natin kung bakit kaya nating makipagsabayan sa buong mundo.
Pero alam kong may mga tanong diyan sa inyong mga isip: Bakit hindi naka-adopt ang marami nating beterano sa ‘so-called modern’ art ngayon ng komiks? Or sa manga? Hindi ako naniniwalang hindi nila kaya. Ayaw lang talaga nilang gawin. Mayroon silang mga personal na dahilan.
Pero ito ang ating malaking tanong. Bakit nga ba tayo FLEXIBLE?
Hindi kaya dahil aware tayo na kapag hindi tayo nag-fit sa isang trabaho ay baka hindi tayo kumita ng pera? Hindi kaya dahil nasanay tayong mag-adopt sa iba’t ibang kultura kaya natutunan din natin ang iba’t ibang bagay na dala nila?
Well, isa lang ang malinaw kong sagot diyan. Sa artistic point-of-view kung bakit tayo flexible ay dahil dito:
CORRECT ANG FOUNDATION NATIN SA BASIC DRAWING.
Naisabuhay natin ang kasabihang ito:
DRAW FROM LIFE.
Ang cartoony at stylistic na drawing ay madaling I-adopt ng isang artist na tama ang pundasyon sa drawing. Madaling I-deconstruct ang isang bagay kung alam mo na ang structure nito.
Ito ang hindi ko malilimutang sabi ni Hal Santiago sa akin noong 1988 na parang gusto ko nang mag-shift sa cartooning dahil hirap na hirap na ako sa kadu-drawing ng realistic na tao. “Nasa iyo naman ‘yan kung gusto mong mag-cartoons talaga. Pero kung seryoso ka talaga sa drawing, madaling mag-cartoons kung kabisado mo na ang totoong pigura ng tao.”
I’m proud to say, hindi ako bumitaw sa pag-aaral ng classic illustrations. Matibay na guide ito (at foundation) na kahit magwala ako ng husto sa drawing ko, ay alam ko ang basic ng structure na pinagdaanan ko.
Mabalik tayo sa isyu ng Manga vs. Filipino art vs. Western. Natutuwa ako sa pag-uusap at pagtatalo tungkol sa isyung ito. Honestly, niri-respeto ko ang katwiran ng magkakaibang panig, lahat ay may mga points na valid at talaga namang kapupulutan ng aral.
Sa isang tulad ko na ‘deconstructicon’ by nature (parang Transformers hahaha), hindi na isyu sa akin ang mga styles na ito. Ang style para sa akin ay outer layer lang ng isang atist. Ang isang artist ay gumagawa galing sa puso, galing sa isip, at galing sa pakiramdam. At sa mas mababaw na dahilan, dahil sa pera.
Kabisado ko na ang sarili ko, ang gusto ko ay laging nagta-try ng bago, gusto kong subukan ang ganito, gusto kong subukan ang ganoon. Gusto kong pag-aralan ang isang structure tapos ay wawasakin ko ito. Tingin ko ay nasa ‘anti-establishment movement’ yata ako ng art. Personal assessment ko ito kaya hindi ko isyu sa sarili kung magma-manga ba ako o mag-aala-Marvel o mag-ala Berni Wrightson, lahat kasi ito sinubukan ko na.
Ang positive effect, talagang naging flexible ako at hindi ako nangangapa sa isang trabaho na alam kong kaya kong gawin kahit hindi ko pa ito nasusubukan—mapakomiks man o kahit sa ibang media. Hindi ko ito nakikita na negative, alam ko na lumalabas ang sarili kong style kahit ano pa ang gawin ko. At kung ano ang style na ‘yun, iyon ay ang taon ko bilang artist—the years of rich visual experiences.